Sa aking araw-araw na pagbubuklat ng aking account sa facebook, parati akong nakakakita ng mga larawang sinasabi ng karamihan na sa pagpapalagay nila ay kung ano at papaanong mailalarawan at masasabing ang isang tao ay sa iyo'y tunay na nagmamahal.
May mga larawang nagpapakita ng isang malaking manika o di kaya'y dose dosenang rosas at hindi lamang iisang dosena ang sa iyo'y tatambad. May mga ilan namang naglalarawan ng isang proposal na napaka-sweet: may mga cakes, couple shirts, at kung anu-ano pa.
Ang iba naman ay nagpapadala ng mga larawang sa pagkawari nila ay mga pangyayaring maaaring mangyari sa dalawang tao kapag nagmamahalan. Ilan sa mga ito ay naglalarawan ng isang bakasyon o isang magandang gising sa umaga. Kahit na nga isang simpleng mensaheng text lamang na: "Good Morning" ay kinukunsidera ng iba bilang pagmamahal. Lahat ng ito'y inaasam asam naman talaga ng karamihan sapagkat para sa kanila ang mga ito ay nagpapahiwatig ng tunay na pagmamahal.
Pero ano nga ba ang pagmamahal?
Kung ating sisiyasatin ang salitang 'pagmamahal' ay nag-uugat sa salitang 'mahal' na nangangahulugan sa ingles bilang 'expensive' o may kalakip na malaking halaga. Sa makatuwid, kapag ang tao ay 'nag-ma-mahal' siya ay nagbibigay ng malaking halaga o nagpapahalaga siya sa isang bagay.
Sa unang tingin ang mga ito ay msasabi kong pawang delusyonal. Ang mga ito ay pawang mga aksidente lamang sa salitang 'pagmamahal.' Pero, aking tatanungin ang aking sarili: 'Bakit?' Bakit ganito ako mag-isip sa mga ganitong ipinapakita ng mga nagmamahalan?
Ako ay lumaki sa isang simpleng pamilya: namumuhay ng simple, nakatira sa simpleng bahay at masaya sa mga simpleng bagay. Hindi ako masyadong nasanay sa mga panlabas o materyal na mga bagay para sa emosyonal na pagpapahayag. Oo, meron din naman kaming mga regalo pero talagang klaro sa amin habang kami ay lumalaki na ang mga ito ay hindi makakatumbas sa tunay na pagmamahal.
Sa isang banda importante din naman ang mga panlabas at mga materyal na pagpapahayag ng emosyon. Pero kapag ang mga ito ay sumobra na at lahat na lamang na katumbas ng dapat ipahayag ay dinadala sa mga materyal na lamang, dito na masasabi nating ito'y nagiging mali na. Sapagkat may mga bagay-bagay naman talagang hindi maipagpapalagay sa kung anu-anong bagay lamang.
Ano nga ba ang pagmamahal? Hindi ko Alam.
Ano nga ba ang pagmamahal? Hindi ko Alam.
0 comment (s):
Post a Comment